ISANG KARANGALAN ANG MAGLINGKOD
Simula noong unang araw ng Hulyo, taong 2013, halos siyam na taon na ang nakaraan, ako ay inyong iniluklok bilang pinakamataas na pinuno ng Lungsod ng Santiago. Ang tungkulin na iniatang sa aking mga balikat ay napakabigat, ngunit ang hamon na ito ay aking tinanggap ng buong puso, dahil isang karangalan ang magkaroon ng pagkakataon na manglingkod sa bawat Santiagueño.
Ang pagluklok ninyo sa akin sa katungkulang ito ay nagbigay sa akin ng ibang pananaw sa buhay. Na hindi salapi o kasikatan ang tunay na nagbibigay ng galak sa puso—ito ay ang pagtulong at pagiging bahagi ng mabuting pagbabago sa bawat kabataan, sa bawat magulang, at sa bawat pamilya.
Hindi naging madali ang ating pagsisimula. Sa aking unang termino ay ramdam ko ang pagkahati-hati ng ating mga paniniwala at adhikain. Hindi ako nagmadali. Mapunyagi kong inaral ang estado ng siyudad sa pamamagitan ng malayang pakikipagsangguni sa iba’t ibang sektor. Nakipag-ugnayan din ako sa iba’t ibang lungsod sa bansa para po matularan ang mga programa na angkop sa ating lugar. At sumangguni rin ako sa mga ahensiya ng gobyerno para sa ating maayos at balanseng pamamahala. Naging bukas ang aking isip sa opinyon at puna ng publiko, dahil batid ko na upang magkaroon ng isang inklusibong pag-unlad, ay nararapat lamang na magkaroon ng mapanlahok na proseso sa mga balakin para sa ating komunidad. At mula rito, umusad ang pagbabago sa Lungsod ng Santiago.
Ang pagpupunyagi at pagkakaisa natin ang nasa likod ng matagumpay nating paglalakbay. Dinala natin ang ating lungsod hindi lamang sa nasyonal kundi hanggang sa Timog Silangang Asya, kinilala ang husay at galing ng Santiagueño sa iba’t ibang larangan.
Sa lahat ng mga parangal na ating tinanggap, ang lahat ng ito ay akin pong ibinabalik sa inyo. Tayong lahat, ikinararangal natin maging isang Santigueña at Santiagueño.
The BESPREN LEGACY will continue. Because it is more than what good governance is. It is in our hearts. Mabuhay ang Lungsod ng Santiago! Marserbisyo po tayong lahat, Magserbisyo po tayo!”
Engr. JOSEPH SALVADOR TAN
City Mayor
Comments